Pumunta sa nilalaman

Kasangkapan

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya

Kasangkápan o kagamitán ang tawag sa anumang bagay na nagpapahintulot sa gumagamit na matapos ang isang gawain na karaniwang mabagal o imposibleng magawa kung wala ito. Tipikal na tumutukoy ito sa mga bagay na kayang gawin ang isang partikular na bagay kagaya ng paghihiwa, pagpuputol, o paglilipat. Bagamat tao ang pinakakaraniwan na gumagamit ng mga kasangkapan para sa kanilang mga gawain simula pa noong unang gumamit sila ng mga kasangkapang gawa sa bato ilang libong taon na ang nakaraan, kaya ring gumamit ng ibang mga hayop ng mga simpleng kasangkapan para magawa ang ilang mga gawain.

Ginawa ang ilan sa mga pinakaunang kasangkapan ng tao na gawa sa mga likas na materyales kagaya ng bato, buto, at kahoy para sa paghahanda ng pagkain, pangangaso, paggawa ng mga sandata, at para makagawa ng mga materyal para sa mga kasuotan at mga kasanayang tulad ng pagpapalayok, pagtatayo ng bahay, pagnenegosyo, imprastraktura, at transportasyon. Dumami ang mga naging posibleng kasangkapan sa pag-usbong ng pagpapanday sa mga bakal. Naging posible pa lalo ang mga mas komplikadong kasangkapan nang matuklasan para magamit ang mapagkukunan ng enerhiya kagaya ng paggamit sa mga domestikadong hayop, hangin, at singaw pagsapit ng Rebolusyong Industriyal. Umusbong ang mga kasangkapang na nagpapahintulot sa otomasyon pagsapit ng ika-19 at ika-20 siglo, na nagpataas sa pagkaproduktibo ng mga hanapbuhay.

Mga prehistorikong kasangkapang gawa sa bato na tinatayang ginamit 10,000 taon ang nakaraan sa isang kuweba sa Pransiya.

Pinaniniwalaan ng mga antropologo na isang mahalagang hakbang sa ebolusyon ng tao ang paggamit nito ng mga kasangkapan.[1] Dahil parehong ginagamit ng tao (Homo sapiens) at mga chimpanzee, ipinagpapalagay na ang paggamit ng kasangkapan ay naganap bago naghiwalay ang dalawang espesye.[2] Gayunpaman, maaaring gawa ito sa mga nabubulok na materyales tulad ng mga sanga o mga batong hindi agarang masasabing kasangkapan dahil sa kawalan nito ng kahit anong sadyang pagbabago.

Napetsahan ang mga pinakaunang kasangkapang gawa sa bato noong bandang 2.5 milyong taon ang nakaraan.[3] Gayunpaman, ipinagpapalagay ng isang pag-aaral noong 2010 na kinakain ng espesyeng Australopithecus afarensis ang mga karne ng hayop sa tulong ng mga bato. Ibig sabihin, maaaring gumagamit na ang mga bakulaw ng kasangkapan noon pang 3.4 milyong taon ang nakaraan.[4] Napetsahan naman ang mga pisikal na kasangkapan nahukay sa Etiopiya noong 2.6 milyong taon ang nakaraan.[5] Isa sa mga pinakaunang walang dudang kasangkapan na nakita ay isang kinakamay na palakol.

Itinuturing na pinakamahalagang alas ng mga tao ang paggamit ng kasangkapan; dahil sa mga ito, nagawa ng mga tao na gawin ang mga bagay na hindi kayang gawin ng katawan nito tulad ng paggamit sa mga matutulis na bagay kagaya ng sibat o palaso upang makapatay ng mga hayop sa pamamagitan ng pagtagos ng tulis nito sa balat ng hayop. Base sa mga markang nakita sa mga buto sa mga arkeolohikong lugar, ipinagpapalagay na kumukuha ang mga unang tao ng karne mula sa mga tira-tira ng ibang mga mandaragit kesa sa pamamagitan ng pagpatay sa mga hayop.[6]

Mga tornilyo.

Unang naimbento ang ilan sa anim na klasikong simpleng makina (gulong at ehe, dalawit, kalo, rampa, kalso, at tornilyo) sa Mesopotamia.[7] Unang ginamit sa gulong pampalayok ang gulong at ehe sa ngayo'y Irak noong ika-5 milenyo BKP.[8] Kalaunan, ginamit ito sa paggawa sa mga pinakaunang sasakyang may gulong noong sumunod na milenyo.[9] Ginamit naman ang dalawit sa mga sigonyal sa Mesopotamia at sinaunang Ehipto.[10][11] May mga patunay naman ukol sa paggamit sa mga kalso sa parehong rehiyon noong ikalawang milenyo BKP.[7]

Pinakahuling naimbento sa mga simpleng makina ang tornilyo,[12] na unang lumabas sa Mesopotamia noong kapanahunan ng Imperyong Neo-Asirya.[7] Nakita sa sinaunang Malapit na Silangan ang mga pinakamaagang patunay ng paggamit sa mga lagumba at molinong pantubig noong ikaapat na milenyo BKP, lalo na sa Imperyong Persyano noong bago 350 BKP. Maaaring ito ang pinakaunang halimbawa ng paggamit sa mekanikal na enerhiya.[13] Gayunpaman, hindi maiimbento ang disturnilyador, na siyang ginagamit sa kasalukuyan upang ipihit ang mga tornilyo, hanggang noong huling bahagi ng ika-15 siglo.

Isang barena

Pagsapit ng Rebolusyong Industriyal, nagsilitawan ang mga kasangkapang de-makina. Nagsimula itong gawin gamit ng mga kahoy, bagamat pinalitan ito kalaunan ng mga metal dahil sa paghina ng kahoy mula sa init at iba pang mga elemento ng kalikasan. Sumikat ang paggamit sa metal sa paggawa sa mga kasangkapan pagsapit ng ika-19 na siglo.[14] Nagmula ang mga kasangkapang metal mula sa mga gumagawa ng mga orasan at mga kasangkapang pang-agham na nangangailangan ng matinding katumpakan. Madalas, mga napakaliit na mekanismo ang kanilang ginagawa nang mano-mano, kaya umusbong ang mga kasangkapang de-makina upang magawa ang mga ito nang mas maayos at mabilis.[15]

Sa ibang hayop

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bukod sa mga tao, may ibang mga hayop na napatunayan gumagamit din ng mga kasangkapan upang magawa ang mga gawain tulad ng pagkuha ng makakain at maiinom, paglilinis sa katawan, depensa, komunikasyon, at iba pa.[16] Nangangailangan ng mataas-taas na antas ng kognisyon ang paggamit sa mga kasangkapan, kaya inakala noon ng mga siyentipiko na tanging tao lamang ang kayang gumawa nito.[17] Kasalukuyang may debate ukol sa kung ano ang maituturing na kasangkapan at kung ang paggamit ba sa mga ito ay maituturing ding isang tunay na paggamit (kumpara sa aksidente o hindi pinag-isipang paggamit).[16][18] Ilan sa mga hayop na naobserbahan na gumagamit ng mga kasangkapan ay mga unggoy, bakulaw, elepante, at ilang uri ng ibon. Ipinagpapalagay na natatangi sa mga tao ang paggamit ng mga kasangkapan upang makagawa ng iba pang mga kasangkapan.[16][19]

  1. Miller, Terry E. (2001). Sam, Sam-Ang. Oxford Music Online (sa wikang Ingles). Oxford University Press. doi:10.1093/gmo/9781561592630.article.49387. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Hulyo 2022.
  2. Whiten, David J.; Whiten, Phyllis (Abril 2009). "Why Are Things Shaped the Way They Are?" [Bakit Ganon ang Itsura ng mga Bagay-bagay?]. Teaching Children Mathematics (sa wikang Ingles). 15 (8): 464–472. doi:10.5951/tcm.15.8.0464. ISSN 1073-5836. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Hulyo 2022.
  3. Jones, S.; Martin, R.; Pilbeam, D., mga pat. (1994). The Cambridge Encyclopedia of Human Evolution [Ang Ensiklopediya ng Cambridge ukol sa Ebolusyon ng Tao] (sa wikang Ingles). Cambridge: Cambridge University Press. ISBN 978-0-521-32370-3.
  4. McPherron, Shannon P.; Zeresenay Alemseged; Curtis W. Marean; Jonathan G. Wynn; Denne Reed; Denis Geraads; Rene Bobe; Hamdallah A. Bearat (2010). "Evidence for stone-tool-assisted consumption of animal tissues before 3.39 million years ago at Dikika, Ethiopia" [Patunay para sa pagkain sa mga tisyu ng hayop sa tulong ng mga kasangkapan gawa sa bato bago 3.39 milyong taon ang nakaraan sa Dikika, Etiopiya]. Nature (sa wikang Ingles). 466 (7308): 857–60. Bibcode:2010Natur.466..857M. doi:10.1038/nature09248. PMID 20703305. S2CID 4356816.
  5. Sahnouni, Mohamed; Semaw, Sileshi; Rogers, Michael (4 Hulyo 2013). "The African Acheulean" [Ang Acheulean ng Aprika]. Oxford Handbooks Online (sa wikang Ingles). doi:10.1093/oxfordhb/9780199569885.013.0022. Inarkibo mula sa orihinal noong 30 Hulyo 2022.
  6. Holmes, Bob. "Man's early hunting role in doubt" [Pinagdududahan ang maagang gampanin sa pangangaso ng tao]. New Scientist (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal noong 12 Hunyo 2015.
  7. 1 2 3 Moorey, Peter Roger Stuart (1999). Ancient Mesopotamian Materials and Industries: The Archaeological Evidence [Mga Sinaunang Materyales at Industriya ng Mesopotamia: Ang Arkeolohikong Patunay] (sa wikang Ingles). Eisenbrauns. ISBN 9781575060422.
  8. D.T. Potts (2012). A Companion to the Archaeology of the Ancient Near East [Katulong sa Arkeolohiya ng Sinaunang Malapit na Silangan] (sa wikang Ingles). p. 285.
  9. Attema, P. A. J.; Los-Weijns, Ma; Pers, N. D. Maring-Van der (Disyembre 2006). "Bronocice, Flintbek, Uruk, Jebel Aruda and Arslantepe: The Earliest Evidence Of Wheeled Vehicles In Europe And The Near East" [Bronocice, Flintbek. Uruk, Jebel Aruda ar Arslantepe: Mga Pinakaunang Patunay ng mga Sasakyang may Gulong sa Europa at sa Malapit na Silangan]. Palaeohistoria (sa wikang Ingles). 47/48. University of Groningen: 10–28 (11).
  10. Paipetis, S. A.; Ceccarelli, Marco (2010). The Genius of Archimedes – 23 Centuries of Influence on Mathematics, Science and Engineering [Ang Kahenyuhan ni Arkimedws – 23 Siglo ng Impluwensiya sa Matematika, Agham, at Inhinyera] (sa wikang Ingles). Springer Science & Business Media. p. 416. ISBN 9789048190911.
  11. Faiella, Graham (2006). The Technology of Mesopotamia [Ang Teknolohiya ng Mesopotamia] (sa wikang Ingles). The Rosen Publishing Group. p. 27. ISBN 9781404205604. Inarkibo mula sa orihinal noong 3 Enero 2020.
  12. Woods, Michael; Mary B. Woods (2000). Ancient Machines: From Wedges to Waterwheels [Mga Sinaunang Makina: Mula Kalso hanggang Lagumba] (sa wikang Ingles). Twenty-First Century Books. p. 58. ISBN 0-8225-2994-7. Inarkibo mula sa orihinal noong 4 Enero 2020.
  13. "Waterwheel" [Lagumba]. Britannica (sa wikang Ingles).
  14. Rolt, L.T.C. (1965). A Short History of Machine Tools [Maiksing Kasaysayan ng mga Kasangkapang De-makina] (sa wikang Ingles). MIT Press. ISBN 9780262180139.
  15. Roe, Joseph Wickham (1916), English and American Tool Builders [Mga Ingles at Amerikanong Tagagawa ng mga Kasangkapan] (sa wikang Ingles), New Haven, Connecticut: Yale University Press, LCCN 16011753
  16. 1 2 3 Shumaker, Robert W.; Kristina R., Walkup; Beck, Benjamin; Burghardt, Gordon M. (2011). Animal tool behavior: the use and manufacture of tools by animals [Paggamit ng kasangkapan ng mga hayop: ang paggamit at paggawa ng mga kasangkapan ng mga hayop] (sa wikang Ingles) (ika-2 (na) labas). Baltimore, Estados Unidos: JHU Press. ISBN 978-1-4214-0128-7. OCLC 1269071005.
  17. Waal, F. B. M. de (2016). Are we smart enough to know how smart animals are? [Sapat ba ang talino natin para malaman kung gaano katalino ang mga hayop?] (sa wikang Ingles) (ika-1 (na) labas). New York: Norton & Company. ISBN 978-0-393-24619-3. OCLC 947844682.
  18. Sanz, Crickette Marie; Call, Josep; Boesch, Cristophe, mga pat. (2013). Tool use in animals: cognition and ecology [Paggamit ng kasangkapan ng mga hayop: kognisyon at ekolohiya] (sa wikang Ingles). Cambridge: Cambridge University Press. ISBN 978-1-107-33647-6. OCLC 828424636.
  19. Bjorklund, David F.; Bering, Jesse M. (5 Hunyo 1997). "Big brains, slow development and social complexity:The development and evolutionary origins of social cognition" [Malalaking utak, mababagal na pagdebelop at pagkakomplikadong panlipunan: Ang pagdebelop at ebolusyonal na pinagmulan ng kognisyong panlipunan]. Mula sa Cooper, Cary L. (pat.). International review of industrial and organizational psychology [Pandaigdigang rebyu sa sikolohiyang industriyal at pang-organisasyon] (sa wikang Ingles). Robertson, Ivan T. John Wiley and Sons. p. 113. ISBN 978-0-471-96111-6. Inarkibo mula sa orihinal noong 6 Enero 2017.
[baguhin | baguhin ang wikitext]
  • May kaugnay na midya ang Tools sa Wikimedia Commons